"I always channel my emotions into my work. That way I don't hurt anyone but myself." -Cinna, Catching Fire
This line inspired me to blog again considering the emotional turmoil I went through yesterday.
Tama si Cinna (ang badette with metallic gold eyeliner na stylist ni Katniss Everdeen sa bonggang trilogy novel ni Suzanne Collin na The Hunger Games). Kesa makasakit ka ng iba, mas mabuti pang gumawa na lang ng isang productive at makabuluhang bagay kung saan ma-chachannel mo ang mabigat na emosyong pinagdadaanan. Makabuluhan nga ba ang blogging? Kebs.
Siguro nagtataka kayo kung ano bang emosyon ang nag-udyok sa akin para labanan ang likas na katamaran at magsulat. Marami. Pagkabigla. Denial. Inis. Bitter. Panibugho. Hinayang. Pagbago ng pagtingin.
Ganito kasi yun.
Taong 2011 nang ako ay makapagtapos ng kolehiyo sa isa sa mga pinakauna at sikat na Nursing School sa lungsod ng Davao. Sikat sabi ko, hindi magaling. May pagkakaiba.
Nakapagtapos ako nang walang ni-isang markang bababa sa 90 sa anumang asignatura.
Skyhigh ang expectations ko. Natural, naghirap ako.
Kinausap ako ng aking guro ukol sa karangalang maaaring matanggap ilang buwan bago ang pagtatapos.
May problema raw.
Hindi ko maintindihan.
Paanong magkakaproblema eh rainbow colors ang records ko?
Sabi niya, para mabansagang Cum Laude, kailangang magka-WPA ng hindi bababa sa 91 o 92?; walang markang bababa sa 91 sa major subjects at wala namang bababa sa 86 sa minor subjects. May tatlo akong 90 sa major subjects.
Nagulantang ako.
Daglian kong tinungo ang OSA para makahiram ng student handbook at mareview ang policies ukol sa Graduating with Academic Honors.
Kung anumang kakaramput na pag-asang mali ang aking guro na pinanghahawakan ko kanina lang ay bigla na lang naglaho. Parang kandilang hinipan ng malakas na hangin. Tama siya.
Nagdilim ang mundo ko. Nawalan ng gana.
Muli kaming nag-usap. Sabi niya, susubukan pa raw niyang gumawa ng paraan. Kakausapin daw niya ang Level Chairperson hanggang sa Dean kung kailangan. Pilit niyang sinasabi na wag akong mawalan ng pag-asa. Mabuti pa siya, patuloy na lumalaban para sa akin. Ako? Ba't pa ako tatakbo kung wala naman palang premyo ang unang makakarating sa finish line?
Pinatawag ako sa opisina ng Dean of Nursing. Pinag-usapan namin ang aking kaso. Pinuri niya ako habang tinitignan ang records ko. Consistent daw. Matagal na panahon na raw siyang hindi nakakita ng ganoong records. At matagal na panahon nang walang nakakamit ng Cum Laude sa paaralang ito. Ang tsismis pa nga eh, ang huling Cum Laude pa raw ay ang kasalukuyang RLE coordinator namin. Imagine gaano katagal na mula pagtatapos niya? Hindi ko rin alam. Sadya bang bobo ang mga mag-aaral dito kaya hindi uso ang magtapos na may Latin honors? Hindi ko alam. O, baka naman hindi realistic ang sobrang taas na standards para ma-qualify bilang Latin awardee? Malamang.
Kung WPA lang ang basehan, posibleng kaya kong abutin ang Magna Cum Laude (94). Pero ang isyu nga raw ay ang tatlong 90 sa majors ko. Natapos ang aming pag-uusap nang sabihin niyang susulat siya sa Awards Committee (kupunan na binubuo ng mga guro mula sa iba't-ibang kurso ng paaralan na siyang nagpapasiya at nagrereview ng mga qualifications ng mag-aaral na maaaring gawaran ng karangalan) upang personal na irekomendang isaalang-alang ang aking kaso.
Dumating ang araw ng pagtatapos.
Ginawaran ako ng dalawang medalya.
Pero sa halip na ma-consider ang 1-point difference, tinanghal lang nila akong Academic Excellence Awardee at Best in Related Learning Experience.
May dalawa pang taong nabigyan ng parangal. Hindi academic, kundi extra-curricular award lang.
Sa kabuuan, tatlong mag-aaral lang ang nakatanggap ng medalya mula sa 700-800 na nagtapos sa kolehiyong iyon nung 2011.
Masamang-masama ang loob ko noon dahil hindi napagbigyan ang 1-point difference. Ang mga kaklase ko dati sa highschool na nakapagtapos sa ibang kolehiyo ng nursing, kahit hindi naman ganun katalino, naging mga Cum Laude, may iilang Magna Cum Laude, at may isang Summa Cum Laude. Nagcompare kami ng qualification standards, nabigla sila. OA daw ang paaralan ko. Sa kanila pala, pina-uulan ang awards. Bakit nga ba hindi? Kawalan ba sa kanila ang magbigay ng parangal?
Kalaunan ay natanggap ko rin na goodbye na sa pesteng Latin award na yun. Fair lang din kasi hindi naman talaga ako nakaabot sa abot-langit na standards nila. Nagpapasalamat rin ako sa mga gurong ipinaglaban ang kaso ko at naniwalang karapat-dapat ako sa latin award kahit na taliwas ito sa naging pasya ng Awards Committee. Sincere ako dito ha. Salamat talaga sa kanila.
Nakapasa ako sa NLE at naging Registered Nurse nung July 2011. Kamuntikan pang mag top. 84.40 ang average rating ko. 85.something naman ang 10th placer. Sobrang panghihinayang ang naramdaman ng kolehiyo ko nang malaman nila. Sayang daw. Sana nag-december na lang daw ako, baka sakaling mas mataas ang nakuha kong rating kung mas mahaba ang paghahanda. Sakaling nag top ako, sisikat ulit ang matandang paaralan ko. Maibabangon sa hukay ang nakabaon nang kasikatan sa larangan ng nursing.
So, anong nangyari? Bakit na-ungkat ang inilibing nang kasawian?
Kamakailan ay nabalitaan kong may nag-Cum Laude mula sa aking paaralan ngayong taon.
Hindi ako makapaniwala.
Kung hindi ko kinaya, imposibleng may nakakaya.
Inisip ko nung una, baka chismis lang.
Pero na-confirm ko kahapon na totoo pala. May nagawaran nga ng pagiging Cum Laude. Hindi lang isa, dalawa sila!
Hindi pa rin ako makapaniwala. Isip ako nang isip. May mga mag-aaral ba sa lower years na umalingawngaw ang pangalan dahil sa kanilang academic performance? Wala akong maalala. Kapag tumititingin ako dati sa bulletin board kung saan nakapaskil ang Dean's list, walang kasali sa batch nila. Merong kokonti sa first year. Wala na rin sa second year. Ako lang sa batch namin. So papaano nangyari?
Hindi ako mapalagay kaya't nag-imbestiga ako. Oo, parang NBI lang. Na-realize ko na dalawa lang ang pwedeng sagot: either wala talaga silang below 91, which is very close to impossible dahil parusa para sa mga guro ang magbigay ng line of 9 sa RLE, o nag change ng standards ang Awards Committee.
Na-confirm ko. Napag-alaman ko mula sa reliable source na nagpalit ng standards ang eskwelahan. Effective SY:2011-2012, Cum Laude: no grade below 86 in all subjects.
Anak ng tipaklong.
Bakit ngayon lang?! Pwede naman palang i-adjust ang standards na yan! Bakit hindi nung panahon namin? 1-point difference! Hindi ko hiniling na gawing 86 ang limit sa lahat. 1 point lang! Utang na loob. Ganun ba talaga ka-hirap yun? Alam kong kailangan dumaan sa proseso ang pag-palit ng mga policies. Hindi isang araw lang. Pero apat na taon akong nag-kolehiyo. Ni hindi man lang nila naisip pakialaman ang lintik na standards na yan. Kahit nung huling taon ko na, isang taon din yun. Bakit hindi naisipang baguhin? Bakit ngayon pang tapos na ang lahat? Hayop.
Wala akong sagot sa mga tanong ko. Wala na rin akong gana magtanong sa skwelahan na yun.
Siguro na-realize nila na hindi sila yayaman kahit mag-hoard pa sila ng mga medalya.
Siguro nakakain ng bulok na tsinelas ang Awards Committee at biglang na-inspire.
Siguro trip lang nila.
Wala na akong pakialam sa rason nila sa pagbabago.
Wala na rin kasi akong magagawa kahit bigyan pa nila ako ng isang dosenang medalya ngayon. Kahit mag-public apology pa sila. Nangyari na. Nagdaan na ang yugto sa buhay ko na nakapagtapos ng kolehiyo ng walang latin award. Kanila na lang yang medalya nila. Isaksak nila sa bilbil nila.
Kung ang kaso ko man ang naging dahilan upang mapagtanto ng kung sinumang herodas na yun na palitan ang standards, congratulations na lang sa batch 2012. Kayo ang umani ng itinanim ko. Ang swerte niyo naman. Sino nga ba ang nagsabi na fair ang buhay?
Napag-isip isip ko rin na hindi lang ako naghihinayang para sa sarili ko. Maraming matatalino sa batch namin. Hindi siguro puro line of 9 tulad ko, pero kung sakaling naging 86 ang standards, maraming nagqualify para maging Cum Laude. Hindi lang pala ako ang nanakawan ng pagkakataon. Hindi lang magulang ko ang sana'y napa-iyak sa galak na naging mabuting estudyante ang anak nila.
Hindi ko alam kung magiging bahagi na ng pagkatao ko ang pagiging bitter ko sa pangyayaring ito.
Gumaan ang loob ko nang maisip kong siguro nga blessing in disguise para sa akin ang hindi pag-top sa board exam. Ang saya lang siguro ng paaralan kung nagkataon! Neknek nila! Hindi ko sila pwedeng bigyan ng ganoong karangalan. Gaya na lang nang ipagkait nila sa akin ang hinangad kong karangalan.
Kaya isa lang ang masasabi ko sa kanila: AMANOS!